top of page
Search
CJ Martinez

Sa gitna ako nagsimula



Umuusbong ang dapit-hapon sa pagitan ng umaga at gabi. Ang langit at karagatan ay binubukod naman ng isang matiwasay na linya sa abot-tanaw. At ang sobra at kulang ay binabalanse ng pag-unawa sa sapat, sa katamtaman. Ito ang konsepto ng gitna–maganda, malawak, mainam. Ngunit sa parehong pagkakataon, ito rin ang lugar kung saan ako, bilang isang middle child, ay magkasabay na nakalaya at nabilanggo.


Dito ako itinadhanang magsimula: sa gitna.


Malawak pala sa gitna

Maraming mga mananaliksik na mula sa iba’t ibang bansa ang nag-aaral sa relasyon at koneksyong mayroon ang birth order sa paglinang ng trato at ugali ng mga magulang at mga anak. Sa katunayan, mayroong tinatawag na birth order theory si Alfred Adler na tumatalakay naman sa mga pagkakaiba ng ugali ng mga anak depende sa pagkakasunod-sunod ng kapanganakan.


Ayon kay Adler, ang mga panganay daw ay kadalasang mas responsable, ang mga gitnang anak naman ay laging humihingi ng atensyon, habang ang mga bunso ay mayroong mas masaya at malayang karanasan at trato mula sa mga magulang.


Maaaring hindi ito ang katotohanan sa maraming pamilya, ngunit saksi ang kolektibong karanasan ng maraming anak–panganay, gitna, o bunso–sa magkakaibang epekto ng magkakaibang paraan ng pagpapalaki sa kanila.


Partikular na sa mga gitnang anak o middle child, naging kakabit na nito ang tinatawag na middle child syndrome o ang paniniwalang hindi sila nabibigyan ng sapat na pansin ng mga magulang. Dahil dito nagkakaroon sila ng mga katangian na iba sa nakatatanda at nakababata nilang kapatid tulad ng pagiging mas tahimik, independent, at maalam sa mga gawaing bahay. Nararamdaman nilang hindi sila ang paboritong anak ng mga magulang, kaya’t nagkakaroon ng sama ng loob sa mga kapatid at lumalaking malayo ang loob sa pamilya.


Napag-alaman din ng ilang mga isinagawang pag-aaral ng Frontiers in Psychiatry na ang mga gitnang anak ay mayroong pinakamababang antas ng kaligayahan kung ikukumpara sa mga panganay at bunsong anak. Dahil hindi naman na bagong kaalaman na nagmumula sa sapat na atensyon ang kalakhang nararamdamang kasiyahan ng isang bata.


Ito ang unang konsepto ng gitna: mayroong malawak na saklaw ng mas marami pang mga konsepto. Marami ang ganito. Bagaman madaling sabihin na marami namang mga anak ang lumalaking tahimik, malayo ang loob sa pamilya, at nakararanas ng kalungkutan, matinding hirap para sa mga middle child na makulong sa gitna–kung saan may takot na pantayan ang nauna, at pithayang maituring din nang tulad sa nahuli.


Simpleng bagay lang, pero…

Isa akong middle child; pangalawa sa tatlong magkakapatid. Puro kami mga lalaki: panganay si Kuya JC, 24, pangalawa naman ako, 21, at ang bunso naming si Friday, Fry kung tawagin, ay 15 taong gulang na.


Kung ilalarawan ko ang relasyon naming tatlo habang lumalaki, masasabi ko namang normal ito, kumbaga walang sobrang espesyal. Siguro dahil puro kami mga lalaki, normal na hindi gaanong malapit ang mga loob namin sa isa’t isa. Ngunit kung tutuusin ay isa nga itong kabalintunaan lalo’t madalas mas nakakahanap ng pare-parehas na mga interes ang mga magkakapatid kung parehas silang mga lalaki o babae.


“Hindi tayo masyadong open dati, hindi tayo close noong mga bata tayo. Madalas tayong mag-away dahil sa mga household chores at syempre hindi nagtutugma ang hobbies natin, hindi tayo nagkakasundo,” pag-alala ni Kuya JC.


Kahit papaano, naranasan ko rin namang hindi maging isang middle child nang higit limang taon. Pero dahil nga wala pa akong kamuwang-muwang noon, wala akong masyadong maalala tungkol sa mga karanasan ko bilang bunso ng pamilya. Ngunit alam kong noon pa man ay hilig ko nang buklatin ang mga photo albums sa bahay, laman ang mga litrato ni nanay at tatay, pati na mga litrato ng kuya ko noong bata pa lamang siya–mayroong malaking cake noong unang kaarawan niya, may sariling bisikleta, may isang buong koleksyon ng mga alaala niya bilang isang bata, bilang unang anak ng pamilya.


Hirap ako noong humagilap ng mga litrato ko noong bata ako para sa mga proyekto naming family tree. “Bakit kaya wala akong masyadong mga larawan bilang isang bata?” ang lagi kong tanong sa sarili ko dati pa, ngunit hindi kailanman natanong sa aking mga magulang. Sa mga ganitong pagkakataon ko nagsimulang kuwestiyunin ang puwang ko sa pamilya. Kung bakit tila may espasyong hindi ko kayang punan, isang espasyong kahit kailan ay hindi magiging ganap. Sa pagitan ng mga litrato ni Kuya JC at ni Fry na dumating makalipas ang ilang taon, tila ba nagmistulan akong isang pahinang nanatiling walang laman, habang nagsisimula nilang punan ang pahinang sumunod sa akin.


Dito ko na natutuhang gamitin ang pag-aaral upang ilihis ang isip ko sa katanungan tungkol sa puwang ko sa pamilya bilang isang anak. Bata pa lang ako, may puwersa nang nagtutulak sa aking maging ulirang estudyante–hindi mula sa mga magulang ko, ngunit mula sa akin mismo.


“Sa mga pagkakataon na uuwi ako galing abroad, tapos matataon sa recognition mo, aakyat ako sa stage para magsabit ng medal mo; iyun ang mga proud moments na hindi ko makakalimutan talaga,” kwento ni Tatay nang may ngiti sa labi, lalo’t nasa ibang bansa siya sa kalakhan ng buhay ko. “Uuwi ako at aakyat ng stage noong elementary ka at high school. Syempre dahil wala naman ako sa lahat ng closing mo, pero sa bawat uuwi ako, lagi kang may award sa school.”


Simula kindergarten hanggang high school, sa katunayan hanggang ngayon sa kolehiyo, doble-kayod ako sa pag-aaral sa takot na baka mawala pa ang natatanging bagay kung saan ako nakikita at itinuturing na magaling. Ito ang naging paraan ko upang makuha, kahit papaano, ang atensyon ng aking mga magulang. Iyong galak at kalugurang nararamdaman ko sa tuwing kasama ko ang isa sa kanilang umakyat ng entablado upang sabitan ako ng medalya ay hindi maipaliwanag; tila ba kahit saglit lang ay wala ako sa gitna–natatabunan at nakakalimutan–bagkus nasa unahan–pansin, nakikita, minamahal.


“Parang kami ni Kuya [JC], malakas ang loob namin na lumapit kina nanay at tatay kung may gusto kaming hingin, kaya naming sabihin agad tapos maibibigay naman nila. Pero kung ikaw, kinu-kuwestiyon mo pa ang sarili mo na ‘Hihingin ko kaya kay nanay?’ ‘Deserve ko kaya ‘to?’ tapos connected na naman siya sa academics mo, na kailangan mong mas galingan pa sa pag-aaral para maibigay nila,” pansin naman ni Fry.


Tugma ang pagkatantong ito sa naging resulta ng isang isinagawang pag-aaral sa karanasan ng mga piling middle child mula sa isang pribadong paaralan, kung saan sinabing ang pagiging mas palaaral o masipag sa pag-aaral ay karaniwan sa mga gitnang anak. Sila ay madalas na mas nabibigyan ng mas kaunting atensyon kumpara sa kanilang mga kapatid, kaya’t ginagamit nila ang kanilang pag-aaral bilang tulay para makuha ang atensyon ng kanilang mga magulang.


“Sa sitwasyon mo, parang oo, lalo sa academics. Siguro napansin din ni bunso na totoo ang middle child syndrome sa family natin dahil marami kang naaachieve [sa school] kaya ang atensyon namin bilang mga magulang, nakafocus sa mga nakukuha mong achievements sa pag-aaral,” pagbabahagi naman ni Nanay.


Sa totoo lang, bilang isang bata, hindi ko naman naramdamang mas ginamit ko ang pag-aaral nang higit sa naging paggamit niya sa akin bilang isang estudyante. Masaya ako sa bawat pagkakataong tutungtong ako sa etablado’t sasabitan ng mga medalya, dahil nakikita kong doon ako pinaka-ipinagmamalaki nina Nanay at Tatay. Ngunit masiyado yata silang nasilaw sa kinang ng mga medalyang isinabit nila sa akin, na umabot sa punto kung saan tila naging sukatan na ng halaga ko ang bawat tagumpay na aking naaabot. Na sa halip na maging isang simpleng pagkilala, naging responsibilidad ko na’ng magtagumpay nang paulit-ulit, sapagkat doon ko lamang nakikita at nararamdaman ang malinaw na pagpapahalaga sa akin bilang isang anak.


At noong tanungin ko naman si Kuya JC kung napansin ba niya ang middle child syndrome sa aming magkakapatid, matapat niyang sinabing, “Hindi, kasi actually in terms of academics, ikaw talaga ang on top, pero syempre wala namang kompetisyon kasi hindi naman tayo pare-parehas ng utak at kakayahan.”


Totoo naman, hindi kami pare-parehas ng kagalingan. Ngunit sa ganitong mga pagkakataon ko naman nahihinuha kung gaano ko kailangang kumayod upang maranasan at maramdaman ang mga bagay na walang hirap na natatamasa ng dalawa kong kapatid. Wala namang inggit, at mas lalong walang galit; natanggap ko na sigurong kailangan kong gawin ang maraming bagay sa mas mahirap na paraan.


Aaminin kong simpleng bagay lang ang mga ito; hindi lang naman ako ang anak na walang sariling photo album noong bata; hindi lang naman ako ang anak na kailangang galingan sa pag-aaral para mapansin ng mga magulang. Pero madalas kasi sa simpleng bagay nag-uugat ang malalaking mga katanungan ng isang anak. Na kung simpleng bagay lang pala ito, bakit kaya hindi nila nagawa sa akin?


Alam kong hindi niyo naman sinasadya

Maliban sa lawak at ganda, may kainaman din dito sa gitna. Bilang panggitnang anak, hindi ko kailanman naisip na sisihin sina Nanay at Tatay, at mas lalo na ang sarili ko, sa mga pagkukulang o puwang na nararamdaman ko. Bilang isang anak kasi, mahalaga sa akin ang umintindi at ang intindihin. Marahil ay pinalaki akong sanay umunawa at babad na sa usaping kompromiso.


Katulad ng maraming anak, hindi ako nasanay na humihingi ng higit sa alam kong kayang ibigay ng aking mga magulang. Kung ano ang mayroon, maluwag sa dibdib kong tinatanggap. Ito marahil ang isa sa mga katotohanan sa mga tulad kong maagang namulat sa hirap ng buhay. Bilang pangalawang anak, halos wala akong mga bagong gamit, halos lahat ay napaglumaan ni Kuya JC. Sa mas magaang salita, pamana niya kumbaga.


“Kunwari iyong mga damit, mga damit ni kuya dati, itinago ko dahil nagamit mo pa naman ‘di ba? Mga laruan ni kuya, nagamit mo pa; dahil si kuya kasi maalaga sa mga gamit niya at imbes na bumili pa ng bago, may mga napaglumaan naman si kuya, iyon na lang ang ibibigay sa’yo. Noong meron ka na, parang mas humirap [ang buhay], kaya imbes na bumili pa, dahil may napaglumaam nga, hindi na lang. Syempre nadagdagan nga kasi ng responsibilidad, ng mga pagkakagastusan,” ika Nanay, nang may pagtitiyak na parehas pa rin naman ang paraan ng pagpapalaki sa aming tatlo bagaman may pagkakaiba sa mga materyal na bagay.


Wala akong problema sa luma. Sabi ko nga, sapat na sa aking, kahit papaano, ay mayroon. Habang lumalaki ako, natutuhan kong hindi man bago ang laruan, may kuwento pa rin naman itong dala. Hindi man bago ang damit, may init itong galing sa sakripisyo. Ramdam ko ang hirap nila sa bawat bagay na ibinibigay nila sa akin, at sa kabila ng kakulangan, naramdaman ko rin ang pagmamahal–hindi naman ito kailanman nawala. Sa gitna ng lahat, natutuhan kong pahalagahan ang maliit na mayroon, dahil para sa kanila, sapat na iyon upang iparamdam na mahal nila ako.


Pero minsan, hindi ko rin kasi maiwasang tanungin kung bakit parang laging may kailangang makompromiso at ipagpaliban? At bakit laging ako?


“Syempre noong wala ka pa, noong si kuya mo pa lang, kung may pera kami, kung ano ang gusto namin para kay kuya dati, naibibigay namin. Pero noong dalawa na kayo, mahirap pa rin naman ang buhay, mas mahirap kasi dalawa na nga kayo. Pero ayun nga, kung ano iyong mga naibigay namin kay kuya dati, noong mag-isa pa lang siya, hindi na namin naiparanas sa iyo,” dagdag naman ni Tatay.


Kung ganito naman pala, siguro bilang isang anak ay aakalain kong magkaparehas kami ng magiging karanasan ni Fry, ng bunso kong kapatid–mga napaglumaan ko naman ang ipapamana sa kaniya dahil bagong responsibilidad siya, bagong pagkakagastusan. Ngunit hindi.


Sa totoo lang, mas hayahay ang karanasan ng bunso bilang isang bata dahil mas gumaan ang buhay, mas umayon sa pamilya namin ang kapalaran noong siya naman ang bata.


Ganito magbiro ang tadhana–noong iisa pa lamang, biyaya; noong mayroon na’ng pangalawa, dagdag responsibilidad, dagdag gastusin; at noong may sumunod pa, nararapat ang sobrang pag-aalaga, sobrang pag-aaruga.


Sa akin na nga ipinaranas ang kulang, ako pa ang aasahang may sapat na lakas at kaalaman para kayaning mapag-isa, mamuhay nang malayo sa pamilya.


Alam kong hindi naman sinasadya nina Nanay at Tatay dahil liban sa pagiging mga magulang, mga tao lang din naman sila–hindi perpekto, at tulad ko ring unang beses pa lamang mabuhay sa mundo. Hindi ko inaasahang alam na nila ang lahat tungkol sa mainam at perpektong paraan ng pagpapalaki sa mga anak. Ngunit tila ba madaya ang pagkakataon at laging sa akin naaayon ang mga panahong mahirap ang buhay, mayroong kasalatan, kaya makokompromiso at kailangang umintindi na lang.


Tunay ngang may kainaman dito sa gitna; ngunit kabalintunaang isipin na sa pagkakataong ito, tila ba kulang ang sapat.


Hindi ako nag-iisa sa gitna

Marahil ang pagiging isang middle child ay tunay na komplikado. Malaya kang umintindi ng mga bagay at kalagayan sa pamilya mo, ngunit nabibilanggo sa gitna–nagugulumihanan kung kailan ka aatras o aabante; kung aalpas o mananatili.


Ang pagiging gitnang anak ay isang kakatwang espasyo, hindi masyadong napapansin ngunit may sariling kagandahan. Isa itong lugar ng pagtuklas sa pagitan ng mga inaasahan sa nakatatanda at sa mas batang kapatid. Sa kabila ng tila ba kakulangan sa atensyon, ay mayroong pagtuklas sa sariling lakas, sa sariling halaga, at sa kakayahang humubog ng sariling landas.


“While it can feel like you’re not getting as much attention as your siblings, you also develop strong negotiation skills, become a great listener, and learn to be independent. It’s like you have to, right? As for how it influenced me, I’d say it made me adaptable, easygoing, and good at finding common ground. I’ve learned to step outside of my comfort zone and be more independent, and while there are challenges, I’ve learned to handle the responsibilities and enjoy the freedom that comes with it,” pagkatanto naman ni Everdeanne, isang kapwa ko middle child sa tatlo ring magkakapatid, nang tanungin ko kung paano siya hinubog ng pagiging gitnang anak niya.


Para naman kay Donna, pangalawa sa apat na magkakapatid, maraming mga bagay ang nagagawa at naiintindihan ng mga gitnang anak, “Ang pagiging middle child ay isang pribilehiyo, but at the same time [a] challenge.”


“Hindi man ako iyong panganay, na favorite ng lahat, ang first ng lahat; hindi man ako ang nag-iisang lalaki; hindi man ako ang bunso, may something ako. And that’s something na nakita ko, iyong pagiging malambing, pagiging strong, pagiging maluto, ma-caring. Kaya ko siya naging personality kasi iyon ang something na mayroon ako…na wala sila. Iyon ang something na pwede kong maging trademark. Iyon ang something na mao-offer ko na hindi ko mafe-feel na… okay-okay lang, gitna-gitna lang, gano’n,” dagdag pa niya nang may magkahalong lungkot at tuwa.


Ang pagiging nasa gitna ay nangangahulugang tayo ay laging naroroon, ngunit hindi palaging napapansin. Madalas tayong nakasilong sa anino ng nakatatanda, at natatabunan ng liwanag ng nakababatang kapatid. Tayo ang tahimik na tagapuno ng puwang, ang tulay sa pagitan ng magkaibang mundo ng panganay at bunso.


Sa katunayan, hindi naman talaga mahalaga kung tayo ang una, gitna o huli. Sapagkat sa huli, tayo pa rin naman ang humahabi sa kwento at tagumpay ng sarili nating mga buhay. Hindi naman kabawasan sa halaga ng kwento natin bilang mga anak at kapatid ang katotohanang wala tayo sa unahan upang mas makita, o ‘di kaya naman ay sa huli, mas nabibigyang-pansin.


Maganda sa gitna


Sa aking mga magulang at kapatid, hindi ko sinasabing mayroon pang kulang; at mas lalong hindi ko sinasabing nakaramdam ako ng galit o inggit. Ang pagtatapat na ito ay pagpapalaya sa mga kaisipan at panloob na tunggaling nabihag magmula nang makilala ko ang tunay na anyo ng mundo. Dahil sa inyo, natutuhan kong ang tunay na pag-alala sa nakaraan ay wala sa mga nakalimbag na litrato, bagkus nasa diwa ng kagustuhan kong gunitain ang masaya at musmos na mga karanasan ko bilang isang bata, kapatid, at anak.


At sa mga tulad kong mga middle child, hindi tayo pare-parehas ng mga karanasan, ngunit sa maraming aspeto, nagtutugma ang ating nararamdaman. Bagaman mayroong mga bagay ang kinailangan nating ipagpaliban, hindi maranasan, at kalimutan na lamang, kahit papaano’y maganda rin naman dito sa gitna. Maaga tayong natuto sa maraming bagay na huli nang natutuhan ng ibang tao sa buhay. Nalaman nating maliban pa sa pribilehiyo ng pag-intindi mula sa ibang tao, higit na mahalagang mayroon tayong kakayahang intindihin ang sitwasyon at katotohanan ng buhay. Ang pagiging gitnang anak natin ay hindi kailanman pagkukulang kundi isang biyayang nagtuturo sa atin kung paano magpatawad, umunawa, at magmahal—hindi lamang sa iba kundi, higit sa lahat, sa ating sarili.


Alam kong biktima lang din naman tayo ng malupit na pagkakataon, at ng mga nagbabagong desisyon, katayuan, at pananaw sa buhay. Ngunit madaya naman yatang tayo na nga ang biktima, tayo pa ang mabibilanggo sa gitna. Kaya’t ang pagtatapat na ito ay pag-aasam na rin–isang panawagan para sa ating mga sarili na huwag sana tayong malimita ng nararamdaman nating kakulangan. Bahagi tayo ng isang mas malawak na kwento, at hindi lamang nabuo upang magsilbing tahimik na tagamasid sa mundo.


Ang pagiging gitnang anak ay isa ring mahalagang tungkulin, isang makabuluhang espasyo. Narito ang tagpuan ng malawak na mga pananaw at katotohanan; ang magandang balanse ng sobra at kulang; at tulad ng dapit-hapon na pumapagitna sa umaga at gabi, ang mainam na punto kung saan nagtatagpo ang dalawang dulo.


Bagama’t tila tayo, bilang mga anak, ay nakatadhanang manatili sa gitna, hindi ito nangangahulugang dito na magtatapos ang lahat. Maaari pa tayong umatras, maaari din namang umabante pa. Ngunit alam nating sa huli, magpapatuloy pa rin tayo—palayo sa gitna, papunta sa sarili nating simula.



 

CJ M. Martinez is a fourth-year BA Communication student majoring in Broadcast Communication with a minor in Journalism at the University of the Philippines Baguio. He previously interned at Now You Know PH, where he also served as a correspondent. Currently, he is a member of the Editorial Board of Outcrop, the university's sole student publication, serving as the Kultura Section Editor.

23 views0 comments

Comentarios


NYK hi-res logo bug..png

NOW YOU KNOW.

bottom of page