by Kristian Rivera
Pangunahing kabuhayan ng mga Pilipino ang pagsasaka. Malaking porsyento ng mga magsasaka ay nagtatanim ng palay kung saan nanggagaling ang bigas na pangunahin ding inihahain sa mesa ng bawat Pilipino. Ngunit higit sa pagtatanim at pag-ani nito, may iba pang gamit para sa mga magsasaka sa Sto. Nino, South Cotabato ang mga palay. Dahil ang mga dayami na naiipon matapos anihin ang mga palay, ay ginagawa nilang eco-bag!
Ikinuwento ng People’s Action for Liberative Agricultural Industry o mas kilala bilang PALAI, ang inspirasyon sa likod ng matagumpay na inisyatibong ito na kanilang inilunsad sa kalagitnaan ng pandemya noong Hulyo, 2020.
Katulad ng ibang mga magsasaka, hindi madali ang pinagdadaanan ng mga magsasaka sa South Cotabato. Kapos sa pera, kulang sa gamit, at halos walang nakuhang suporta ang kanilang grupo sa mga nagdaang taon. Dagdag pa rito ang pagbagsak ng presyo ng palay nitong nakaraang taon. Ito ang nagtulak sa kanila na maghanap ng iba pang maaaring pagkakitaan.
“Matagal na namin sinusubukan ang organic farming, at pag-imbento ng mga produkto gamit ang raw materials, noon pang 2014, pero hindi ‘to naging matagumpay dahil nagkulang kami sa equipment,” kwento ni Jethel Kapunan, chairperson ng PALAI. Mas pinagtutuunan ng kanilang grupo ang organic farming at nagpasya na subukang mag-imbento ng produkto galing sa dayami o ‘rice straw’.
“Nung ipinadala ako sa Japan ng gobyerno para maging isang representative sa agriculture, napansin ko na magaling ang mga hapon sa paggawa ng mga produkto gamit ang mga organic na materyales kaya’t nagsilbi itong inspirasyon upang simulan ang inisyatibong ito dito sa aming bayan,” dagdag ni Kapunan.
“Malaking tulong ito sapagkat naging mababa ang presyo ng mga binibiling bigas sa panahon ngayon, kaya kahit papaano nakakatulong ito sa ating local farmers.” Bahagi ng kanilang adbokasiya ang itaguyod ang organic farming upang mapanatili ang agrikultura, malayang industriya, at pagbibigay ng alternatibong pangkabuhayan sa mga magsasaka.
“Kahit marami man ang hindi naka appreciate, nagpapasalamat pa rin kami kasi marami pa rin palang Pilipino ang tumatangkilik sa lokal na produkto, sana patuloy ang kanilang suporta at tulungan nila ang farmers namin na kagaya ko upang suportahan ang lokal na produkto,” dagdag pa ni Jethel.
Mabibili ang kanilang organic eco-bags sa murang halaga at may iba’t ibang sukat. Maaaring magpadala ng orders sa kanilang Facebook page na PALAI Handmade Paper Industry.
---
Mayroon ka rin bang kwentong #TatagPinoy na nais ibahagi sa Now You Know? Ipadala ang mga kwentong ito sa amin! Mag-email lamang sa info@nowyouknowph.com o mag-send ng PM sa aming Facebook page.
Comentarios